Sa isang panayam sa grupo ng mga manananggol sa pangunguna ni Atty. Jose P. Icaonapo Jr., dating governor ng IBP-Greater Manila Region na ginanap sa Ninoy Aquino International Airport, nabatid na inihahanda na ang pormal na pakikipag-ugnayan sa pagitan nina DOJ Undersecretary Jose Calida at IBP President Teofilo Pilando.
Sinabi ni Icaonapo, pabor sila sa nasabing hakbangin ng DOJ para sa kapakanan ng hudikatura ng bansa bagamat ito ay isang "recycle issue" na hanggang ngayon ay nananatiling "uncorroborated".
Ang hakbanging ito ng DOJ ay nag-ugat sa naging pahayag kamakailan ni US Ambassador to the Philippines Francis Ricciardone nang tuligsain nito ang talamak na katiwalian sa hudikatura at law enforcers unit na sanhi para umano hindi umangat ang ekonomiya ng bansa.
Hiniling naman ni Undersecretary Calida sa IBP na kumbinsihin ang kanilang mga abogado, maging ang publiko na makipagtulungan sa kanila upang maging matagumpay ang kanilang isasagawang paglilinis sa hanay ng hudikatura na nabiktima ng mga tiwaling justices, judges at prosecutors sa pamamagitan ng paghaharap ng reklamo sa DOJ Action Center.
Ituturing na confidential ang anumang sumbong upang tiyakin ang kaligtasan ng mga biktima. (Ulat ni Butch Quejada)