Marohombsar binigyan ng ultimatum ng Malacañang para sumuko

Nauubos na ang pasensiya ng Malacañang laban sa lider ng Pentagon gang kaya nagbigay ito ng palugit para ito ay sumuko.

Hanggang ngayong linggo ang ibinigay na palugit ng Malacañang para sumuko ang puganteng si Faisal Marohombsar.

Sinabi ni President Adviser on Special Concerns Norberto Gonzales na kung hindi matatapos ang negosasyon nito kay Marohombsar ngayong linggo ay aatras siya bilang negosyador.

Kapag pumalpak muli ang negosasyon ay kanya na itong ipauubaya sa pulisya at militar.

Samantala inako na rin ni Gonzales ang pagbibigay ng maling impormasyon kay Pangulong Arroyo na nakuryente sa paglalabas ng balitang sumuko na ang lider ng Pentagon.

Iginiit naman kahapon ng ilang mambabatas na panahon na umano para bawasan ng Pangulo ang kanyang gabinete lalo na iyong mga naglalagay sa kanya ng malalaking kahihiyan.

Sinabi ni Iloilo Rep. Augusto Syjuco na lumalabas na ‘incompetent’ ang ilang miyembro ng gabinete ni Arroyo partikular ang ilang nakaupo sa Office of the Press Secretary dahil nabibigyan ng maling impormasyon ang Pangulo.

Umapela naman si Press Secretary Ignacio Bunye na huwag ng palakihin ang nasabing kapalpalkan at sisikapin na ito ay maresolba at huwag ng maulit. (Ulat ni Ely Saludar/Malou R. Escudero)

Show comments