Sinabi ni Singson sa kanyang muling pagharap sa Sandiganbayan Special Division bilang testigo sa prosekusyon na si Rep. Jimenez umano ang promotor para bumili si Estrada ng alahas na nagkakahalaga ng P13 milyon na iniregalo nito kay Enriquez.
Ayon sa testimonya ni Singson, nagkaroon ng biruan ang mga barkada ni Estrada na kinabibilangan ni Jaime Dichavez na ibili si Enriquez ng P13 milyong halaga ng alahas bilang regalo ng dating pangulo. Si Jimenez umano ang nag-udyok sa iba pang nasa mahjong session na mag-ambag-ambag sila upang malikom ang nasabing halaga.
Dahil si Singson na lamang umano ang hindi nakapagbibigay, inudyukan siya ni Dichavez na maglabas ng P1.2 milyon bilang share niya na kinuha rin umano niya sa perang galing sa jueteng.
Idinagdag pa ni Singson sa kanyang testimonya na minsan na rin siyang nagdala ng P5 milyon mula sa koleksiyon sa jueteng sa tahanan ni Estrada sa P. Guevarra st., San Juan kung saan nakatira si Guia Gomez, ina ni San Juan Mayor JV Ejercito. (Ulat ni Malou Rongalerios-Escudero)