Sa isinumiteng report kahapon ni Bulacan Police Provincial Director P/Supt. Edgardo Acuna kay PNP Chief Hermogenes Ebdane, kinilala ang mga napaslang na suspected kidnappers na sina Lito Mercado, tumatayong lider ng grupo; Gilbert Espina at isang alyas Alvin.
Si Mercado ay namatay habang isinusugod sa ospital habang sina Espina at Alvin ay dead-on-the-spot.
Napag-alaman na nakatanggap ng impormasyon ang mga elemento ng PACER hinggil sa planong pagdukot ng grupo sa isang negosyanteng Fil-Chinese sa Town and Country Executive village kung saan takdang magmiting ang grupo sa Latian restaurant sa loob ng subdivision.
Agad na nakipagkoordinasyon ang PACER sa mga operatiba ng Bulacan police at agad naglagay ng mga checkpoints sa loob ng subdivision at isang dragnet operations ang inilatag.
Dakong ala-una ng hapon ay namataan ng mga awtoridad ang isang dark gray Mitsubishi Lancer na may plakang UDK 478 na kinalululanan ng mga suspek na papasok sa subdivision.
Sumenyas ang mga operatiba para huminto ang kotse pero pinaputukan umano kaagad ng mga suspek ang mga awtoridad at sinagasa ang checkpoint na nagresulta sa ilang minutong habulan at putukan na umabot sa Mahogany st. sa nasabing bayan.
Dito napaslang ang mga suspek. Wala namang nasugatan sa panig ng mga pulis.
Narekober sa mga suspek ang isang kalibre .45 pistol, isang kalibre .38 revolver, tatlong granada at dalawang cellphone.
Nabatid na ang Villaver gang ay aktibong nag-ooperate sa Metro Manila, Bulacan, Batangas at iba pang lugar sa Region IV.
Base pa sa rekord ng pulisya, ang Villaver gang ay sangkot sa pagdukot at pagpatay sa isang Fil-Chinese na negosyante na isang Ronnie Go noong Oktubre 2001; pagdukot kay Mary Grace Rosadas sa Diliman, QC noong Hunyo 12, 2001 na hiningan ng sindikato ng malaking ransom; pagdukot kay engineer Gilbert Uy, contractor ng Smart noong 1996. (Ulat ni Joy Cantos)