Extradition request maaga pa

Hindi pa maaaring isulong ng DOJ ang extradition request laban sa principal suspect na si Rod Strunk.

Sinabi ni Justice Undersecretary at DOJ spokesman Manuel AJ Teehankee na masyado pa umanong maaga para kumilos sila at ihain ang aplikasyon sa US para pabalikin sa bansa si Strunk.

Bukod dito, wala pa umanong naisasampang kaso sa korte at wala pa ring warrant of arrest laban kay Strunk kaya’t hindi pa ito maaaring magkaroon ng extradition treaty matapos itong magtungo sa US upang dalawin ang namayapa nitong ina.

Nilinaw ni Teehankee na pag-aaralan muna ng DOJ panel of prosecutors ang bigat ng mga ebidensiyang inihain ng NBI upang mabusisi nang husto kung maaaring isampa sa hukuman ang naturang kaso.

Nakatakda namang simulan ngayong araw ng DOJ panel of prosecutors ang pagpupulong hinggil sa naturang kaso para pag-usapan ang paghahain ng subpoena laban sa mga akusado.

Tiniyak ni Fiscal Mark Jalandoni na iisyuhan nila ng subpoena ang kampo ni Strunk sa oras na maisapinal nila ang kanilang pagpupulong ngayong araw na ito sa pamamagitan ng pagpapadala nito sa Siguion-Reyna Law Office at sa abogado ng akusado na si Atty. Alma Mallonga. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments