Chavit tumestigo na sa Sandiganbayan

Humarap na kahapon sa Sandiganbayan Special Division si dating Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson kung saan lalo niyang idiniin sa mga kinakaharap na kaso si dating Pangulong Estrada na dati niyang matalik na kaibigan.

Bagaman at hindi pa dapat isalang sa pagdinig si Singson, nagtagumpay kahapon ang Ombudsman sa maagang pagpiprisinta dito sa kabila ng matinding pagtutol ng mga abogado ni Estrada.

Naipilit ng prosekusyon na maisalang si Singson sa witness stand sa huling 30-minuto ng pagdinig.

Sa testimonya, sinabi ni Singson na halos 30 taon na silang magkakilala ni Estrada at noong Agosto 1998 ay pinapunta siya ng dating pangulo sa bahay nito sa Polk st., San Juan kung saan nakita niya sina Charlie "Atong" Ang at Rodolfo "Bong" Pineda at iba pang jueteng operators.

Pinag-usapan umano nila roon ang pagpapalawak ng operasyon ng jueteng at pagbubukas nito sa ibang probinsya at pagbibigay ng jueteng money kay Estrada.

Ayon pa kay Singson, sinabihan ni Estrada si Pineda na huwag na itong magdadala sa kanya ng jueteng money dahil masyado na umanong halata at sa halip ay padaanin o ibigay na lamang sa kanya (Singson).

Sinabi naman ng mga counsel de officio na ang paghaharap sa dating gobernador ay paglabag sa rules of court gayung hindi pa tapos ang cross examination sa sekretarya nitong si Emma Lim.

Nakakaapekto rin umano sa kanila ang pagmamadali ng prosekusyon dahil mas pinaghandaan nila ang pagtatapos ng testimonya ni Lim at hindi pa sila handa sa magiging testimonya ni Singson.

Ikinatwiran naman ng prosekusyon na minamadali nila ang pagtestigo ni Singson dahil sa kinakaharap nitong banta sa buhay bukod pa sa naka-schedule itong magpa-medical check-up sa abroad sa susunod na buwan. (Ulat ni Malou Rongalerios-Escudero)

Show comments