3 Indonesian binataang papatayin ng kidnappers

Nagbanta ang mga kidnapper ng tatlong Indonesian na kung hindi agad matutugunan ang kanilang mga kagustuhan ay pagsisisihan ng pamahalaan ang pagbabalewala sa kanila dahil papaslangin nila ang dayuhang mga bihag.

Sa report na nakarating kahapon sa Camp Aguinaldo, patuloy ang pakikipag-usap ng isang negosyador sa grupo ng mga kidnapper para sa mas mabilis na pagpapalaya sa mga biktima na pinaniniwalaang nagkukuta sa isang bulubunduking lugar sa Sulu.

Ayon sa isang mataas na opisyal ng militar sa Southern Command, ang nasabing negosyador ang siyang nagbibigay ng impormasyon hinggil sa kalagayan ng mga bihag.

Nabatid na nanghihingi umano ng malaking halaga ang mga kidnapper bilang kabayaran sa "board and lodging" ng mga bihag na kinilalang sina Capt. Muntu Jacobus Winowatan, Chief Engineer Pieyet Larrech at Chief Officer Julkipli.

"Delays may cause the death of the victims, We’ve also learned that the hostages have already been brought by the kidnappers somewhere in Patikul, Sulu and operations are still ongoing," pagtitiyak pa ng source.

Ngunit ayon sa pamunuan ng AFP, wala silang kinalaman sa nasabing negosasyon at mahigpit pa rin ang pagpapatupad ng "no ransom policy" ng pamahalaan.

Sa pinakahuling report ng AFP, sinasabing ang mga bihag ay hawak na umano ngayon ng grupo ng mga pirata na pinamumunuan ng isang Commander Walub.

Magugunita na ang nasabing Indonesian crewmen ay lulan ng tug boat ng bihagin matapos na i-seajack ng mga suspek habang naglalayag sa karagatan sa pagitan ng Basilan at Sulu noong nakaraang Hunyo 12 taong ito. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments