'Si Sabaya ang nag-utos na barilin si Martin'

Inamin nang isang naarestong bandidong Abu Sayyaf na si Abu Sabaya ang nag-utos na barilin ang bihag na si Martin Burnham "sakaling magkagipitan na."

Sa isinagawang tactical interrogation ng AFP kay Adzmar Aluk, inamin nitong inutusan ni Sabaya si Ibno Hajir alyas Abu Lukman na barilin si Martin kapag lumapit ang tropa ng pamahalaan.

Sinabi ni Adzmar na bago pa maganap ang rescue operation sa mga Burnham ay tila alam na ni Sabaya na magiging matindi ang enkuwentrong magaganap kaya nagbitiw ito ng salita na patayin ang nasabing bihag kapag nagpang-abot na ang kanilang grupo at tropa ng pamahalaan.

"Ang sabi ni Sabaya pag malapit na ang mga sundalo sabi niya patayin na yan si Martin. Ng patay na nagtakbo na ako sir," pahayag ni Adzmar.

Si Hajir ay isa sa napatay kasama ni Sabaya sa encounter sa Sibuco noong nakaraang Biyernes.

Si Adzmar naman ay isa sa apat na bandidong naaresto sa Sibuco encounter. Kasama niyang naaresto sina Hassan Hamsi, Abdurakman Ismael at Margani Isnilon.

Kamakalawa ay namatay si Hamsi dahil sa atake sa puso. (Ulat ni Jhay Mejias)

Show comments