Siksikang classrooms, kulang na textbooks unahin bago ang BEC
Dapat na unahing solusyunan ng Department of Education ang problema ng siksikang classrooms at kakulangan sa mga textbooks bago ipatupad ang Revised Basic Education Curriculum (BEC). Sinabi ni Bayan Muna Rep. Liza Maza na kahit na ano pang ganda ng ipatutupad na bagong curriculum ay hindi ito magiging epektibo sa kasalukuyang sistema ng edukasyon sa bansa. Dapat anyang inuna ng DepEd ang dati ng problema na kinakaharap nito tuwing magbubukas ang klase. Sa ngayon ay umaabot sa 18,624 silid-aralan at 2.32 milyong desk at armchairs ang kulang sa buong kapuluan. Nanawagan si Maza sa Malacañang na ipahinto muna ang pagpapatupad ng BEC hanggang hindi natutugunan ang mga problema ng Education Department. Hindi anya papasok sa isip ng mga mag-aaral ang itinuturo ng mga guro dahil sa ingay at init sa loob ng mga silid-aralan. (Ulat ni Malou Escudero)