Malacañang nag-panic sa 'paglipat' ng 3 senador sa oposisyon

Tila naalarma ang Malacañang sa pahayag ng tatlong senador na kumikilala na sa oposisyon na bagong mayorya sa Senado.

Agad binansagan nina acting Press Secretary Silvestre Afable at Presidential Legislative Adviser Gabriel Claudio na isang "kuryente" ang pahayag ng 3 senador na kumilala na sa oposisyon ng bagong mayorya.

Sinabi ni Afable na mahigpit ang ginagawang pagbabantay ni Claudio at wala umanong katotohanan na nasungkit na ng oposisyon sina Senador Robert Barbers, Juan Flavier at Loren Legarda.

Ayon kay Afable, tiniyak ni Claudio na nangako na ang 3 senador na hindi kakalas sa administrasyon.

Pero batay sa pahayag ng mga senador, ibinigay na ni Flavier ang chairmanship ng health committee kay Senadora Loi Estrada samantalang si Barbers ay kumilala sa bagong mayorya subalit may kuwestiyon lamang sa pag-agaw ng komite.

Si Legarda ay nagpahayag naman ng suporta sa isang koalisyon upang paghatian ang kapangyarihan sa Senado at maresolba ang krisis sa liderato. (Ulat ni Ely Saludar)

Show comments