Sa panayam kahapon kay outgoing PNP chief director Gen. Leandro Mendoza, sinabi nitong patuloy pa rin nilang bineberipika ang ulat hinggil sa panibagong kidnapping.
Aminado si Mendoza na talagang may namataan ang kanilang mga asset na may kasama umanong mga sibilyan ang grupo ng tinutugis na si ASG spokesman Abu Sabaya matapos na mapagawi ang mga ito kamakalawa sa bahagi ng Panubigan sa Zamboanga Peninsula lulan ng pumboat.
"Pinapa-verify pa natin kasi may nakita yung mga informer ng police natin na may mga dalang civilians yung grupo ng ASG na walang mga armas. This is still being confirmed," ani Mendoza sa mediamen.
Gayunman, ayon kay Mendoza, base sa natanggap niyang report ay mga lokal na mangingisda lamang at hindi mga banyaga ang tangay na sibilyan ng mga bandido.
Naghihinala rin ang opisyal na posible umanong mga guide lamang na sibilyan ang namataang kasama ng tumatakas na mga Abu Sayyaf.
Magugunita na inihayag ni Julhambri Misuari, pinuno ng Misuari breakaway group ni dating ARMM Gov. Nur Misuari na may dalawa umanong bagong bihag ang grupo ni Sabaya. (Ulat ni Joy Cantos)