Sa report na nakarating kahapon sa Office of the Muslim Affairs (OMA), sinabi ni Habib Mujahib Hassim, OMA executive director na ang mga bandido ay nakalusot at gumagala na ngayon sa kagubatan ng Zamboanga Sibuguey.
"Reports from our sources in the field indicated that the Abu Sayyaf group headed by Abu Sabaya are no longer in Sirawai they are now in Zamboanga del Sur," sabi ni Hassim.
Nakikipag-ugnayan na ang OMA sa police at military authorities para tukuyin ang eksaktong lokasyon ng tumatakas na mga bandido.
Gayunman, nagdeploy pa rin kahapon ng mga K-9 dogs ang AFP upang tumulong sa pagtugis sa nalalabi pang puwersa ng Abu Sayyaf na nagtatago sa kagubatan ng ilang mga bayan sa Zamboanga del Norte.
Sinabi ni ret. Major Gen. Melchor Rosales, spokesperson ng "Operation Daybreak" na malaki ang maitutulong ng K-9 squads para matunton ang kinaroroonan ng grupo ni Sabaya na nakakalat sa mga bayan ng Sirawai, Sibuco at Siocon ng nabanggit na lalawigan.
Maliban sa mga turuang aso ay naka-deploy na rin ang Riverine troops ng Special Action Forces ng Phil. Army at Navy Special Warfare Group para magbantay sa mga dalampasigan sa mga coastal towns na posibleng daanan sa pagtakas ng mga bandido.
Nagpalabas na rin ng kautusan si Sirawai Mayor Ramon Carino sa mga kapitan ng barangay sa kanilang lugar na tumulong sa tropa ng pamahalaan para mapigilang mang-hostage muli ng mga inosenteng sibilyan.
Samantala, mahigpit ring binabantayan ng mga operatiba ng pulisya ang bayan ng Sibuco at Siocon matapos na mamataan ang ilang mga tauhan ni Sabaya na tumahak sa direksiyon ng kagubatan. (Ulat nina Perseus Echeminada at Joy Cantos)