Sayyaf halang ang kaluluwa - Gracia

Pawang mga halang ang kaluluwa at karapat-dapat lamang na usigin at tratuhing mga kriminal ang mga teroristang Abu Sayyaf Group (ASG).

Ito ang madamdaming pahayag ni Gracia Burnham, 43, bago ito tuluyang umalis ng bansa kahapon patungong US.

Sa kanyang departure statement sa NAIA, pinasalamatan ni Mrs. Burnham ang mga taong nagmalasakit at walang sawang nagdasal para sa kanila sa loob ng mahigit isang taong pagkakabihag ng mga bandido.

"Martin and I have many dear friends in the Philippines. We love you so very much. We know who you are from Malaybalay (Bukidnon) to Manila and we thank you for the precious memories during our 15 years here. I return to the states this morning to rejoin my children and to put life back together, but part of my heart will always stay with the Filipino people," lumuluhang pahayag ni Gracia.

Pinasalamatan rin ni Gracia ang tropa ng mga sundalong Filipino na nagbuwis ng buhay para iligtas ang mga hostage, pero mariin niyang kinondena ang mga bandido dahil sa kanilang panloloko at pagsisinungaling sa mga bihag na pinaasang palalayain.

"During our ordeal in the jungles, the Abu Sayyaf repeatedly lied to us giving false hopes and promises that we would be released soon. They are not men of honor, and they should be treated like common criminals," dagdag ni Gracia.

Kasabay nito, nagpahayag din ng suporta si Gracia sa kampanya ng pamahalaan para papanagutin sa batas ang mga bandido.

Si Mrs. Burnham kasama ang kanyang kapatid na si Mary Jones at Sherry Spicer ay sumakay sa Northwest Airlines flight 028 papuntang San Francisco via Narita dakong alas-7:45 ng umaga.

Ang bangkay naman ni Martin Burnham ay nauna ng inilipad sa isang airbase sa Okinawa sakay ng isang US military plane at nakatakdang dalhin sa Kansas, USA.

Si Gracia ay nakasuot ng kulay pulang blouse, naka-wheelchair at naka-benda ang kanang hita dulot ng tinamong tama ng bala. (Ulat nina Butch Quejada at Joy Cantos)

Show comments