Ito ang rekomendasyon kahapon ni House Speaker Jose de Venecia sa harap ng krisis na kinakaharap ng Senado matapos bumaligtad sa oposisyon si Sen. John Osmeña.
Sinabi ni de Venecia na ipinakikita ng pangyayari na may "depekto" ang sistemang bilateral at kailangan nang palitan.
Ang pagpapalit sa kasalukuyang sistema ay magagawa lamang anya sa pamamagitan ng Charter change o pagbabago sa Saligang Batas.
"I have repeatedly said that time has come to consider parliamentary system and call for election of delegates for a constitutional convention in 2004," ani de Venecia.
Dapat aniya na matapos na ang kaguluhan sa lehislatura dahil nakakaapekto ito sa ekonomiya ng bansa.
Inihalimbawa ni de Venecia ang Europa kung saan karamihan sa mga bansa doon ay parliamentary ang sistema ng gobyerno.
Sinabi naman ni Senate President Franklin Drilon na nakahanda ang kanilang grupo na hanapan ng solusyon ang kasalukuyang problema ng Senado na likha ng pagbalimbing ni Sen. Osmeña sa oposisyon.
Bukas umano ang administration bloc sa anumang solusyon tulad ng pagkakaroon ng arbitration committee na pamumunuan ng respetadong lider ng bansa tulad ni ex-Sen. Jovito Salonga na kapwa iginagalang ng magkabilang panig.
Ayon naman kay Sen. Francis Pangilinan, ang pakikialam ng Supreme Court sa usaping ito ang pinaka-last resort. Kung maaayos naman sa pamamagitan ng usapan ng magkabilang-kampo ito ay hindi na dapat makarating pa sa SC.
Inamin ni NEDA chairman at Economic Secretary Dante Canlas na nakakasira sa imahe ng Pilipinas ang naganap na bangayan sa Senado at pangunahing naaapektuhan rito ay ang ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Canlas, dapat magkaroon ng "cooling off period" habang nasa recess ang Kongreso para kapag nagbukas ang sesyon sa Hulyo ay maayos na ang sigalot.
Dahil anya sa gulo sa Senado ay apektado ang mga prayoridad na panukalang batas pangkabuhayan na dapat sanay natapos na.
Sinabi ni Canlas na ang hinahanap ng mga imbestor sa bansa ay hindi awayan kundi pagtutulungan para maisulong ang ekonomiya. (Ulat nina Malou Rongalerios-Escudero,Rudy Andal at Lilia Tolentino)