Potensiyal ng herbal medicine palawigin

Hinimok ni Senate Majority Leader Loren Legarda kahapon ang administrasyon na bigyang pansin ang proyekto ng World Health Organization (WHO) na may layong paigtingin ang promosyon at paggamit ng herbal medicine sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gamot.

‘‘Sa global strategy na isusulong ng WHO ngayong buwan, hihimukin nito ang iba’t ibang bansa na siguruhin ang kalidad at pagiging epektibo ng mga herbal medicine upang mas maraming mamamayan ang makinabang dito,’’ ang sabi ni Legarda.

Idinagdag pa ng senadora na kung masisiguro na ligtas ang paggamit ng herbal medicine, magandang alternatibo ang mga ito para sa mga taong hindi makabili ng name-brand drugs na gawa ng malalaking pharmaceutical firms.

Ang mga herbs na tulad ng lagundi at malunggay ay ibinebenta na ngayon sa mga botika in tablet form, ang lagundi bilang cough remedy at ang malunggay naman bilang vitamin sa mga nagpapasusong ina.

Dapat anyang tandaan na, ayon sa WHO, 25 porsiyento ng mga kasalukuyang gamot na gawa ng pharmaceutical firms ay galing sa tradisyunal na kaalaman ng ating mga ninuno.

Ayon kay Legarda, maging ang mga mayayamang bansa ay gumagamit rin ng tradisyunal na gamot. Sa France, 75 porsiyento ng populasyon ang nakagamit na ng herbal medicine, habang ang mga British naman ay gumagasta ng $2.3 billion isang taon para sa tradisyunal na gamot.

‘‘Bukod sa sinisiraan ng ilan ang herbal medicines, mayroon din namang inaabuso ang paggamit nito kaya nagkakaroon ng di magandang isyu tungkol dito. Dapat lang siguro na i-regulate natin ang pagpo-produce at paggamit nito,’’ dagdag pa ng senadora. (Rudy Andal)

Show comments