Ayon kay Col. Alexander Aleo, commander ng 103rd Brigade ng Phil. Army na nakabase sa Basilan, ang impormasyon hinggil sa sinasabing pagpapakasal ni Yap kay Commander Isnilon Hapilon ay nalaman nila sa isinagawang tactical interrogation mula sa mga naarestong miyembro ng ASG sa kanilang mga operasyon, gayundin mula sa testimonya ng mga pinalayang hostages ng bandidong grupo sa Basilan.
Base sa impormasyong nakalap ni Aleo, dumaranas na umano ng Stockholm syndrome si Yap o ang pakikisimpatiya ng isang hostage sa kanyang kidnaper.
Napag-alaman pa na matagal na umanong kursunada ni Hapilon si Yap simula nang ito ay bihagin kasama ang iba pang mga hospital staff ng Dr. Jose Torres Hospital sa Lamitan, Basilan noong nakalipas na Hunyo 2, 2001.
Idinagdag pa ni Aleo base sa pahayag ng kanilang mga nakausap, na binibigyan umano ng ultimatum ng mga lider ng ASG ang mga nakukursunadahan nilang babaeng hostage na magpakasal sa kanila o ipapa-rape sa lahat ng kanilang mga tauhan bagay na siyang nangyari sa nurse na si Yap.
"Yun ang report na natanggap natin, binibigyan sila ng ultimatum na magpakasal sa mga kumukursunada sa kanilang lider ng ASG, so wala silang choice sa halip na marami ang gumamit sa mga babae mas mabuti na nga naman ang isa na lang," pahayag ni Aleo sa isang phone interview.
Magugunita na si ASG chieftain Khadaffy Janjalani ay napaulat na nagpakasal rin noong nakaraang taon sa kasamahang nurse ni Yap na hinostage rin ng ASG na si Reina Malonzo na dumanas rin ng Stockholm syndrome habang nasa pangangalaga ng mga kidnapper.
Si Malonzo na nooy ilang buwan nang nagdadalantao sa anak nila ni Janjalani ay tinangka pang iwasan ang militar ng mahuli ito sa downtown ng Zamboanga City noong nakaraang taon. (Joy Cantos)