Gayunman, sa isinagawang pagsalakay sa umanoy terrorist training camp ng grupo sa Sitio Dueg, Barangay Maasin sa bayan ng San Clemente ay nabigo ang mga awtoridad na mahuli si Abdurakman Abdul Quirante.
Naaresto sa ginawang raid ang hinihinalang terrorist na si Feliciano delos Reyes, 38, alias Abubakar, tubong Barangay Arco sa Lamitan, Basilan, at ang 13-anyos na batang lalaki na di kinilala na umanoy nirecruit ni Quirante.
Si Quirante ay positibo ring itinuro nang isa pang umanoy terorista na si Dexter Mayuno, 20, isang estudyante at tubong Ipil, Zamboanga del Sur.
Ayon kay Mayuno, si Quirante ang kanilang group leader sa Tarlac na nag-utos sa kanila na maghagis ng granada sa commercial establishments at iba pang pampublikong mga lugar noong May 1.
Nasakote si Mayuno kasama ang anim iba pa matapos makipagbarilan sa Barangay San Nicolas sa siyudad na ito noong madaling-araw ng Labor Day. Napatay sa encounter ang isang Khalid Amir, habang lima pa ang nakatakas.
Sa tactical interrogation, inamin ni Mayuno na kasapi siya sa grupong Haraka (The Movement). Isang nagngangalang Sheik Hamod, Saudi national na nakabase sa Barangay Mal-ong sa bayan ng Anda, Pangasinan ang itinuro nitong lider ng Haraka.
Gaya ni Quirante, si Hamod ay pakay din ng malawakang manhunt ng pinagsanib na puwersa ng police at military elements.
Ang pag-amin ni Mayuno ay nagresulta para salakayin ang isang Islamic school sa Anda, kung saan anim na suspected terrorists ang naaresto at nakakumpiska ng highpowered firearms.
Hinihinala ng mga awtoridad na ang Islamic schools sa Anda ang main headquarters ng Haraka. (Benjie Villa)