Crackdown sa Arab students

Naglunsad na ng malawakang pagtugis ang Office of Muslim Affairs (OMA) sa pakikipagkoordinasyon sa Bureau of Immigration and Deportation (BID) laban sa mga Arab students na ginagamit umano ang Madrasa o Islamic schools bilang front ng kanilang terrorist activities.

Ayon kay Habib Mujahab Hassim, OMA executive director, nakikipag-ugnayan na ang kanyang tanggapan sa BID para makuha ang mga listahan ng Islamic students at teachers sa bansa nang makapagsagawa ng background check kung talaga bang nag-aaral sila o sangkot sa illegal activities.

"I have instructed our staff to coordinate with the BID to determine arrival of Islamic students and teachers and determine if they have links with al-Qaeda terrorist groups," sabi ni Hassim.

Ang direktiba ay kasunod ng pagpapalabas ng report ng military at police na ang Madrasa schools sa bansa ay ginagamit bilang fronts ng teroristang grupo partikular sa al-Qaeda ni Osama bin Laden.

Gayunman, sinabi ng OMA executive director na hindi makatwiran na idawit ang Madrasa schools dahil ang Islam ay tutol sa terorismo.

Ayon pa dito, ang Arab students na dumarating sa bansa ay kadalasang nag-eenrol sa private schools habang ang mga teachers o Uztads ay instructors.

Nanawagan si Hassim sa pulisya na huwag lahatin ang Muslim students at ang Madrasa ay hindi dapat sisihin kung may terorista man sa bansa dahil ang posibleng presensiya ng terorista sa Madrasa schools ay nagkataon lamang.

Sa paniwala niya, ang terorismo ay hindi itinuturo sa Madrasa schools.

Bukod sa pagmonitor sa dumarating na Arab students sa bansa nagtayo rin ang OMA ng legal action para tulungan naman ang mga inosenteng sibilyang Muslim na maaring pagsuspetsahang terorista.

Kung minsan umano, nagreresulta sa pag-aresto ng maling tao ang ganitong kampanya ng pamahalaan.

Pero bagaman pinoprotektahan nila ang mga inosenteng sibilyan, sinabi ni Hassim na buo ang kanilang suporta sa gagawing pag-aresto sa totoong mga terrorists.(Ulat ni Perseus Echeminada)

Show comments