Sa halip na magtungo sa Manila Hotel, sumugod sa Senado ang mga oposisyong senador at kinondena ang anilay panunupil at mapanakot na sistema ng rehimeng Arroyo.
Sinabi ni Sen. Edgardo Angara, LDP president, na ang naging hakbang ng LDP na boykotin ang All Political Parties Summit ay dahil sa kawalan ng sinseridad ng kasalukuyang gobyerno na magkaroon ng pagkakaisa ang oposisyon at administrasyon.
"Paano tayo magkakaroon ng unity sa pagitan ng oposisyon at administrasyon kung patuloy ang ginagawa nilang panggigipit sa hanay ng mga mambabatas na balak nilang ipaaresto sa isang senaryo na wala namang katotohanan," wika ni Angara.
Una rito, inihayag ng liderato ng LDP na nagkasundo silang di dumalo matapos na madiskubre base sa nakalap nilang intelligence report ang plano umanong pagsasangkot sa kanya at kay Sen. Panfilo Lacson na umanoy aarestuhin ng mga awtoridad sa sandaling maging bayolente ang protesta ng mga loyalista ni dating Pangulong Estrada sa anibersaryo ng Edsa 3 na natapat sa paggunita ng Labor Day sa bansa.
Iginiit ng LDP na hindi sila maaring dumalo sa nasabing pagtitipon ng mga partido pulitikal dahil target ng "harassment at repression" ang mga namumuno sa kanilang organisasyon.
Inakusahan naman ni Sen. Gregorio Honasan na ang tunay na hangarin ng political summit ay "patahimikin" ang lahat ng partidong pulitikal sa bansa hanggang sa 2004 presidential elections.
Aniya, ang tunay na makikinabang sa hakbang na ito ay walang iba kundi si Pangulong Arroyo.
Sinabi naman ni House Speaker Jose de Venecia na siyang may ideya ng naturang summit na nakalulungkot isipin ang desisyon ng LDP na magboykot base lamang sa mga alingasngas na di pa napatutunayan.
Sa kabila nito, sinabi ni de Venecia na walang epekto ang hindi pagdalo ng mga opisyal at kinatawan ng LDP sa naturang summit.
Nabatid na 90% ng mga partido pulitikal ang dumalo sa nasabing okasyon na naglalayong isantabi na ang negatibong pamumulitika para makabuo ang nagkakaisang grupo ng mga pulitiko ng economic agenda para sa ikauunlad ng bansa.
Ayon naman kay Deputy Speaker Raul Gonzales, mistulang mga batang paslit umano ang LDP sa ginawa ng mga itong pagbabalewala sa naturang summit.
Sa halip umanong magboykot ay dapat na ginamit pa ng LDP ang okasyon para talakayin ang isyung inirereklamo ng mga ito. (Ulat nina Rudy Andal/Joy Cantos/Lilia Tolentino)