Senador 'Agimat' kritikal pa rin - Jawo

Ibinunyag kahapon ni Senador Robert Jaworski na nasa kritikal na kondisyon pa rin umano ang kanyang biyenan na si Senador Ramon Revilla kahit naging matagumpay ang operasyon nito sa spinal vertebrae kamakailan sa Estados Unidos.

Sinabi ni Jaworski, naging matagumpay man ang naging operasyon ng kanyang biyenan ay maituturing na nasa kritikal na kondisyon pa rin ito mula ngayon hanggang 3 buwan.

Naging maselan umano ang operasyon ni Revilla dahil sa 2 spinal vertebrae ang pinalitan dito bago binalot ng special metal upang muling maging functional.

Umabot sa 9 na oras ang dissectomy at corpectomy operation kay Revilla sa Standford University Medical Center sa US.

Dinagdag pa ni Jaworski na posibleng matagalan pa bago muling makadalo ng sesyon sa senado ang kanyang biyenan dahil sa kakailanganin nitong magpahinga at mag-therapy dahil sa kasalukuyan ay hindi pa nito kayang maigalaw ang kanyang pangangatawan.

Si Revilla ay nakilala sa mga pelikulang tungkol sa agimat bago ito naging senador. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments