Kinilala ni Sr. Supt. Jorge Aquisap, city PNP director ang mga suspek na sina Abubakar Amilhasan, 47; Arsol Ginta, 31 kapwa residente ng Kiamba, Saranggani na umano ay mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Jehojon Macalinsan, 18 ng Sitio Lote, Brgy. Calumpang.
Ang tatlo ay naaresto sa isinagawang raid ng mga operatiba ng General Santos City PNP sa bahay na pag-aari ng isang Zorayda Sala sa Sitio Lote ng nasabing barangay dakong alas-4 ng madaling araw.
Nasamsam mula sa mga suspek ang isang 60 mm. mortar shell, isang handgun, fragmentation grenade, 2 kilo ng lead at mga bronze wires na pinaniniwalaang ginagamit sa paggawa ng mga bomba.
Sinabi ng isang kamag-anak ng isang suspek na ayaw magpabanggit ng pangalan na ang bahay na pinaghulihan sa mga suspek ay ginagamit na opisina ng Samahan ng Malayang Makabayang Moro, isang grupo na umano ay konektado sa makakaliwang grupo na Alyansang Makabayan.
Ang pagkakaaresto sa tatlong suspek ay nang ma-trace ng pulisya sa caller ID ng BayanTel Communications na nasa Laurel East Avenue ang tawag ng isa sa mga suspek kamakalawa ng alas-3 ng hapon na nagsabing may nakatanim na bomba sa nasabing establisyimento.
Agad na inireport sa pulisya ang nasabing tawag at nang galugarin ang buong gusali ay negatibo ito sa bomba.
Nagsagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya at na-trace nila na ang linya ng telepono na ginamit ng suspek ay pag-aari ng isang Mohammad Sala.
Sa isinagawang tactical interrogation, inamin ni Macalinsan na siya ang tumawag at nagsabi sa BayanTel na may nakatanim na bomba ang kanilang lugar.
Inamin din ni Macalinsan na siya ay binigyan lamang ng kautusan ng ibang tao na ayaw naman nitong ibulgar ang pangalan.
Ayon pa sa mga imbestigador na posibleng magkasabwat sa pambobomba ang mga rebeldeng Muslim at New Peoples Army matapos na makumpiska sa mga suspek ang ilang dokumento buhat sa MILF at National Democratic Front (NDF).
Una nang naaresto ng mga awtoridad noong Lunes ang dalawang bomber na sina Moniken Ambi Puntoan at Modesto Tabilo habang ang umanoy utak sa kambal na pambobomba na si Benjie Puntoan ay nakatakas. (Ulat nina Boyet Jubelag,Teng Garcia, Doris Franche at Joy Cantos)