Halaga ng passport tataas

Kinondena kahapon ng Migrante International at iba pang nakabalik nang manggagawang Pilipino sa bansa ang napipintong panggagatas ng salapi sa mga OFWs dahil sa pagtataas sa singil sa pasaporte kaugnay ng paglilipat sa pribadong sektor sa produksiyon ng pasaporte.

Sinabi ng Migrante na tataas kaagad sa halagang P1,500 ang singil sa passport fee sa pagkakagawad ng kontrata sa BCA International, isang pribadong kontratista na nakakuha ng P2 bilyong kontrata para gumawa ng "high-tech passport."

Ayon kay Poe Gratela, tagapagsalita ng Migrante, sa halip umanong humanap ng paraan kung paano pa magagatasan ang mga migranteng manggagawa, ang Macapagal-Arroyo administration ay dapat na magtuong pansin kung paano mapapauwi sa bansa ang libu-libong manggagawa sa Saudi Arabia at kung paano matutulungan ang 44 OFWs na nasa death row.

Ang bagong pasaporte na gagawin ng BCA ay may taglay na impormasyon hinggil sa palm print ng may-ari nito. Layon nito na masugpo ang paggamit ng pekeng pasaporte.

Sinabi pa ng Migrante na kaya pala naghayag ang DFA ng kakulangan sa passport ay para bigyang dahilan ang paglilipat ng produksiyon nito sa pribadong sektor at maitaas ang singil sa pasaporte. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments