Sa halip ay isinalang sa witness stand ang isa sa pinakamatinding testigo ng prosecution laban kay Estrada, si Atty. Manuel Curato, vice president at legal chief ng Equitable-PCI Bank.
Parehong pinatawag ng Sandigan sina Ocampo at Curato para tumestigo laban kay Erap pero unang pinaupo si Curato.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Sandiganbayan Special Division sa kasong P4.1 bilyong plunder at illegal use of alias laban kay Estrada, sinabi ni Curato na nasaksihan niya ang paglagda ni Estrada sa limang bank documents sa kontrobersiyal na P3.2 bilyong Velarde account.
Ayon kay Curato, kasama niya si Ocampo noong lumagda si Estrada sa transaksiyon na tumagal lamang ng lima hanggang 10 minuto.
Nabatid na kabilang sa nilagdaan ni Estrada ay ang investment management authority signature cards, investment guideline, directorial letter at debit and credit authority.
Sa harapan umano nilang dalawa pumirma si Estrada sa investment management agreement upang mapautang nang P500M ang kaibigan nitong si William Gatchalian sa naturang secret account.
Magugunita na inamin ni Estrada sa isang TV interview ang paglagda sa Velarde account bilang guarantor lamang umano ni Gatchalian. (Ulat ni Joy Cantos)