GMA hahanap ng pondo para sa beterano

Hahanapan ni Pangulong Arroyo ng pondong P15 bilyon ang bayaring pensiyon at benepisyo ng mga beterano ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Isang paraan ng pagpapakita ng katapatan ng layunin ng kanyang administrasyon na malutas ang problemang ito sa benepisyo at pensiyon ng mga beterano ay ang ipatatawag niyang pulong ng kanyang Gabinete na siyang tampok na aktibidad sa pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan o Bataan Day sa Martes, Abril 9 sa Mount Samat, Bataan.

Ayon sa Pangulo, nababalam ang pagbabayad ng pensiyon ng mga beterano dahil nito lamang natuklasan ang 15 bilyong kakulangan sa pondo noong nililinis ang listahan ng mga beteranong tumatanggap ng pension.

Sinabi ng Pangulo na bibisita sa bansa ang pinuno ng US Veterans Affairs at inaasahan niyang may hatid itong magandang balita para sa mga beterano. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments