Iniutos na ni Vice President at Foreign Affairs Secretary Teofisto Guingona ang agarang pagpapauwi sa labi nang 16 na kinilalang sina Marcelino Sumagang, Joseph Cayaban, Florante Mercado, Rolando Romero, Jose Santos, Fernand Velasco, Arturo Rodriguez, Cecilio Silang, Emando Canlas, Henry Sanches, Sofio Bosero at Arthur Pullido.
Bukod sa 16, lima pang OFWs ang kasalukuyang naka-confine sa Rashid Hospital sa Dubai habang 13 iba pa ang nakalabas na rin ng ospital matapos magtamo ng minor injuries.
Ayon kay DFA spokesman Vicente Lecaros, tiniyak sa kanya ni Philippine Ambassador to Dubai Amable Aguiluz na agad na maisasagawa ang repatriation dahil sa patuloy na pakikipag-ugnayan nila sa pamahalaan ng United Arab Emirates.
Nangako ang UAE government na sasagutin ang lahat ng magagastos sa repatriation ng mga bangkay ng OFWs na inaasahang maibabalik sa Pilipinas sa linggong ito.
Nabatid na mayroong 1,641 OFWs ang nagtatrabaho sa Dubai dry docks.
Samantala, wala namang iniulat na nadamay na Pinoy sa naganap na malakas na lindol sa Taiwan kamakalawa.
Mahigit 50,000 OFWs ang kasalukuyang nagtatrabaho sa Taiwan, karamihan ay domestic helpers. (Ulat nina Andi Garcia/Mayen Jaymalin)