Sinabi ni House Deputy Speaker Raul Gonzales, tama lamang ang ginawang ito ni Guingona at hindi rin masisisi ang Bise Presidente kung sumama man ang loob nito at hindi tanggapin ang paghingi ng tawad ng Mexican ambassador sa Pilipinas na si Enrique Hubbard dahilan sa sobra-sobra itong nabastos.
Labis umanong ikinasama ng loob ni Guingona ang ginawang pag-iitsapuwera rito matapos itong hindi papasukin ng mga bantay sa ginanap na pananghalian para sa 150 pinuno ng mga bansa kasama ang kanilang mga delegasyon sa Mexico nitong nakalipas na Marso 21.
Hindi pinapasok si Guingona dahil wala umano ito sa guest list sa kabila na ito ang kinatawan ni Pangulong Arroyo para sa pagtitipong iyon.
Nais umano ni Guingona na manggaling ang paghingi ng paumanhin sa Foreign Ministry ng Mexico.
Kaugnay nito, iginiit ni Gonzales na dapat ay ipagtanggol rin ng administrasyon si Guingona para mapanatili ang dignidad ng bansa at nang hindi na maulit pang muli ang pambabastos sa mga opisyal ng pamahalaan sa mga pagtitipon sa ibang bansa. Masyado umanong minaliit ng Mexico ang Pilipinas sa ginawa kay Guingona kaya marapat lamang ang mga itong turuan ng leksiyon. (Ulat ni Joy Cantos)