Ayon sa nasabing kumander na bata ni MNLF renegade Chairman Nur Misuari, (na ayaw magpabanggit ng pangalan), na ang grupo nila ay nakabase sa Southern Mindanao pero karamihan sa kanila ay nagtungo na sa Maynila para magsagawa ng mga pananakot upang iparamdam ang kanilang hinanakit sa administrasyong Arroyo para muling bigyan daan ang kanilang mensahe para sa implementasyon ng Sept. 2,1996 peace accord na noon pang hiniling ni Misuari at ng buong MNLF Central Committee sa pamahalaang Pilipinas.
Sinabi nito na ang MNLF ang tanging revolutionary group sa Mindanao na nagpupursige na ipatupad ang federalism form of government dahil gusto nilang ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas at ilagay ito sa federal state.
Ayon dito, ang Indiginous People Federal Army (IPFA), ay isang grupo sa ilalim ng MNLF na binubuo ng mga miyembro hindi lamang sa angkang Muslim kundi maging ng mga Lumad (highlanders) at Christians ng bansa na pumapabor sa federalism.
Ang nasabing grupo ay binuo noong Disyembre 2001.
Ang tanging sadya ng paglalagay ng mga bomba anya ay para magkaroon ng chaotic scenario at makuha ang atensyon ng pamahalaan para bigyan sila ng panahon na upuan at kausapin ang mga opisyal ng gobyerno hinggil sa nasabing isyu.
Unang ginawa ng mga kabig ni Misuari sa Mindanao ang ganitong klaseng taktika noong bisperas ng Pasko nang maglagay sila ng mga improvised devices sa DXMY, Cotabato at sa labas ng simbahan ng Iglesia ni Cristo sa General Santos City.
Gayunman, sinabi nito na napagkasunduan umano ng kanilang grupo na itutok ang konsentrasyon ng kanilang operasyon sa kalakhang Maynila.
Samantala, nabalot sa takot ang mga pasahero ng Metro Rail Transit (MRT) makaraang magkasunod na natagpuan ang dalawang bomba sa hagdanan ng Ortigas Station sa Mandaluyong at GMA Kamuning sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Dahil dito, pinailalim ni NCRPO chief Director Edgardo Aglipay sa heightened alert ang pulisya.
Nagbabala si Aglipay na ang sinumang pulis na wala sa puwesto sa sandaling makatuklas ng bomba ay sisibakin.
Sinabi ni Aglipay na katulad ng mga natagpuan sa Makati, ang mga bombang itinanim sa MRT ay pawang panakot lamang at hindi planong pasabugin.
"Sa palagay ko pakana ito ng isang grupong pumupuwersa sa gobyerno na gawing federal ang uri ng pamahalaan sa bansa, ani Aglipay. (Ulat nina Rose Tamayo,Jhay Mejias, Joy Cantos, Doris Franche, Lordeth Bonilla, Danilo Garcia at Andi Garcia).