Ito ang sinabi kahapon ni Mandaluyong Rep. Neptali "Boyet" Gonzales, majority leader at chairman ng House Rules committee bilang reaksiyon sa binabalak nang isang Atty. Crispin Reyes, nagpakilalang chairman ng Anti-Graft League of the Philippines at ng Public Interest Center Inc. na magsampa ng impeachment complaint laban kay Davide at sa lahat ng mahistrado ng Supreme Court dahilan sa tahasang paglabag sa Saligang Batas matapos gawing legal ang pagka-presidente ni Gloria Arroyo noong Enero 20, 2001 sa makasaysayang Edsa Dos.
Iginigiit ni Reyes na nagsabwatan umano sina Davide para iluklok sa kapangyarihan si Pangulong Arroyo kung saan ang ginawa ng mga mahistrado ay isang "judicial despotism" na lubhang mapanganib matapos na katigan ang people power sa pagpapalit ng liderato sa gobyerno.
Naniniwala si Reyes na naglaro sa constitutional politics si Davide matapos magpalabas ng en banc resolution ang Korte na nagdedeklarang bakante ang Office of the President batay lamang sa isinasaad ng Diary ni Sen. Edgardo Angara.
Wala umanong karapatan ang SC na ideklarang bakante ang Office of the President ng walang kumpirmasyon ng Kongreso.
Batay sa report, dumulog si Reyes sa ilang mga kongresista upang himukin ang mga ito na maging endorsers ng kanyang impeachment complaint. Sinasabing isang kongresista mula sa partido ng oposisyon ang pumayag maging endorser.
Bukod kay Davide, kabilang sa mga ipinapa-impeach ay sina Associate Justices Artemio Panganiban at Antonio Carpio at Justices Josue Bellosillo, Jose Melo, Reynato Puno, Jose Vitug, Santiago Kapunan, Vicente Mendoza, Artemio Panganiban, Leonardo Quisumbing, Arturo Buena, Consuleo Ynares-Santiago, Sabino del Leon Jr. at Angelina Sandoval Gutierrez.(Ulat ni Joy Cantos)