Ayon kay Senador Blas Ople, ang mungkahi ni PNP Deputy General Hermogenes Ebdane na payagang magkaroon ng armas ang karaniwang tao ay magbubunga lamang ng kaguluhan.
At kahit na aniya ang requirement ni Ebdane ay kailangang psychological at physically-fit ang isang sibilyan bago ito payagang magkaroon ng armas ay kaiba naman ito sa prinsipyo ng gun ownership.
"The issue here is the role of private weapons in society and whether these promote or deter crime," ipinunto pa ng senador.
Ipinaliwanag pa ni Ople, chairman ng Senate committee on foreign relations, na pabor siya na magkaroon ng limitasyon sa pagkakaroon ng baril sa loob ng bahay dahil maaaring maging ugat ito ng krimen at aksidente, lalo na sa mga bata.
Tinuligsa rin ni Ople ang pahayag ni Ebdane na maaaring mabawasan ang kaso ng kidnapping kung may mga baril ang tao sa kanilang bahay.
Ani Ople, ang mga binibiktima ng kidnappers ay yung mga mayayaman lamang at napatunayan din aniya na minsan ay wala ring nagagawa ang mga bodyguard ng mga mayayaman laban sa mga salarin.
Sinabi naman ni Senador Tessie Aquino-Oreta na ang naturang panukala ng PNP ay isang tahasang pag-amin na wala na itong kakayahang proteksyonan ang mamamayan.
Para rin aniyang sinabihan nito ang mga sibilyan na "kayo na lamang ang bahala sa sarili at buhay ninyo."
Ayon naman kay Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr., dapat aniyang pagbutihan ng pulisya ang paglaban nito sa krimen imbes na isuhestiyon ang pagkakaroon ng baril ng sibilyan.
"The suggestion of Gen. Ebdane is one of the most ill-thought of ideas coming from the ranks of the police in the present millennium," wika pa nito. (Ulat ni Rudy Andal)