Sinabi ni Atty. Raymund Fortun, tumatayong spokesman ni Erap, bagamat kinikilala ng kampo ng dating pangulo ang pagsisikap ng korte na mabigyan ng magagaling na defense lawyers si Estrada ay hindi nila matatanggap ang tatlong bagong talagang abogadong sina Attys. Mario Ongkiko, Rodolfo Jimenez at Irene Jurado.
Ayon kay Fortun, itoy sa dahilang si Ongkiko ay isa sa mga nagpasimuno sa Erap Resign Movement samantalang ang anak naman ni Irene Jurado na si Cicero Jurado ay kabilang sa mga prosecutors ng pamahalaan sa impeachment trial kay Estrada.
Sinabi ni Fortun na malinaw na nahatulan na ng naturang mga abogado si Estrada kaya imposibleng maipagtanggol pa nila ito ng walang kinikilingan.
Samantala, sinabi ni Justice Secretary Hernando Perez na kung patuloy pa ring tatanggihan ni Estrada ang kanyang mga bagong abugado ay mas makabubuting sabihin na nito kung sino ang gusto niyang maging tagapagtanggol.
Kinumpirma kahapon ni Lanao del Norte Congressman Benasing Macarambon na nagkaroon na ng "collective decision" ang kanyang mga kasamahang mambabatas na huwag na itong ituloy.
Sinasabing wala nang interes si Macarambon na ituloy ang kanyang bersiyon matapos na umanoy makausap sa telepono si Estrada at pakiusapan ng huli na "patayin" na ang kanilang resolusyon dahil wala naman na umanong plano pa ang dating pangulo na umalis ng bansa.
Naniniwala rin si Bukidnon Rep. Miguel Zubiri na hindi na dapat pang pag-aksayahan ng panahon ang isyu ng exile dahil maging si Estrada ay ayaw umalis dahil "kung aalis nga naman siya ng Pilipinas parang inamin na niya na guilty siya sa mga kasong kinakaharap sa korte," dagdag ni Zubiri. (Ulat ni Joy Cantos)