Ayon kay Angara, walang sinseridad si Pangulong Arroyo habang nananawagan ito sa harap ng telebisyon sa programang "Strictly Politics" dahil halatang-halatang scripted ang binabasa at hindi galing sa puso ang sinasabi.
Ipinaliwanag ni Angara na dapat unahin ng Pangulo na payagan si dating Pangulong Estrada na makapagpagamot ng tuhod sa US na siyang pinaka-dramatikong hakbang tungo sa pagkakaisa ng bansa at humilom ang sugat dulot ng pagkakahati-hati.
Kung hindi umano papayagan ng administrasyon ang kahilingan ng kampo ni Estrada, tiyak na magkakaroon ng kaguluhan na siyang magpapabagsak sa ating ekonomiya at pulitika.
Samantala, hiniling kahapon ni Sen. Tessie Aquino-Oreta sa Pangulo na sibakin na nito ang kanyang gabinete na hindi nakakatulong sa administrasyon bagkus ay nagiging sanhi pa ng pagkakahati-hati.
Partikular na tinukoy ni Oreta si Presidential Spokesman Rigoberto Tiglao dahil sa halip anyang makatulong sa panawagan ng Presidente para mapayapa ang mga pro-Erap ay lalo lamang nitong inilalayo ang pamahalaan sa masa dahil sa pagbibigay ng mga panlalait na pahayag laban sa pinatalsik na si Estrada. (Ulat ni Rudy Andal)