Sinabi ni Undersecretary Manuel Teehankee na kinasuhan si Peñaflor dahil sa pagiging iresponsable umano nito sa pagpatay sa isang sundalo na nakunan ng video na pinugutan niya ng ulo.
Ipinaalam ni Teehankee na nagkaroon na ng komunikasyon sa pagitan nina Basilan Prosecutor Manuel Tatel at ang tanggapan ng DOJ na nagsasabing isinampa nila sa Basilan Regional Trial Court ang kasong murder laban sa naturang "executioner" dahil wala pa rin namang naipakikitang katibayan ito na napag-utusan lamang siya ng Abu Sayyaf.
Una dito, inamin ni Justice Secretary Hernando Perez na hindi niya inaalis ang posibilidad na maabsuwelto si Peñaflor sa kasong murder kung maipakikita nito sa hukuman na tinakot lamang siya para isagawa ang pamumugot.
Nakasaad sa ilalim ng Revised Penal Code na maituturing na justifying circumstance due to irresistible force ang pagsasagawa ng isang krimen kung may banta laban sa buhay ng isang akusado.
Nilinaw ni Teehankee na nasa kamay na ng hukuman para ihain ni Peñaflor ang kanyang depensa at patunayan na siya ay tinakot lamang para isagawa ang naturang pagpatay.
Kung matatandaan, inamin ni Peñaflor na isa siyang "hostage" at hindi bandido ng Abu at ang kontrobersiyal na pugot-video ay naganap noong Nobyembre 1994. (Ulat ni Grace Amargo)