Sinabi ni Presidential spokesman Rigoberto Tiglao, magiging simple lang at hindi lilitaw na piyesta ang pagdiriwang ng EDSA 1 na pangungunahan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Sabi ni Tiglao, tulad ng pagdiriwang ng EDSA 2 ay magiging simple lamang dahil ang pangunahing layunin dito ay gunitain ang kasaysayan at magkaroon ng pagkakaisa ang buong sambayanan.
Kasama ni Arroyo sina dating Pangulong Corazon Aquino at Fidel Ramos sa isasagawang pang-umagang programa sa People power monument sa EDSA sa pagtataas ng bandila.
Samantala, kinansela ni Arroyo ang kaniyang urban poor visit sa Taguig at sa halip ay magtutungo ito sa paglulunsad ng Ahon Kabuhayan project ng Ginintuan at Makabayang Alay Foundation na gaganapin sa Old Balara, Quezon City.
Mula sa Balara babalik si Arroyo sa EDSA para sa panghapong palatuntunan at dito siya magbibigay ng mensahe sa sambayanan kaugnay ng nasabing pagdiriwang. (Ulat ni Ely Saludar)