Kumbinsido sina Attys. Rene Saguisag at Cleofe Villar-Verzola na maisusulong ng depensa ang double jeopardy sakaling matuloy ang graft case laban kina Estrada at asawa nitong si Sen. Luisa Ejercito.
Palpak aniya ang estratehiya ni Ombudsman Aniano Desierto matapos paghiwa-hiwalayin ang mga kasong kriminal ni Estrada.
Ipinagbabawal ng batas ang hiwalay na paglilitis sa isang akusado para sa dalawang magkatulad na kaso kung saan konektado ang excise tax sa graft case sa mga kasong nakapaloob sa plunder.
"May double jeopardy siguro. That is a problem of their own making. Diyan sila nadapa, diyan sila titihaya," pahayag ni Saguisag.
Sinabi ni Verzola na haharangin ng depensa ang kahilingan ng prosekusyon na balewalain na ang graft case na may kaugnayan sa diversion ng P130 million tobacco excise tax.
Kasalanan umano ng Ombudsman ang malaking pagkakamali dahil sa pagmamadali nitong isampa ang walong kaso noong Abril 4, 2001 nang hindi lubusang pinag-aaralan. (Ulat ni Malou Rongalerios-Escudero)