Kinilala ni Police Regional Office (PRO)4 P/Chief Supt. Domingo Reyes, ang biktimang si Lian Mayor Sixto Vergara, 48, residente ng J.P. Rizal st., Brgy. Dos Poblacion na nagtamo ng tatlong tama ng bala ng kalibre .45 baril at namatay habang isinusugod sa Lian District hospital.
Nakilala naman ang suspek na si Lorenzo Tolentino, 40, kumparet matalik na kaibigan ng biktima, dating pulis na nakatalaga sa Lian at napalipat sa ibat ibang lugar sa Batangas bago nasibak.
Base sa report ni P/Supt. Rolando Lorenzo, Batangas police director, dakong alas-4:30 ng madaling araw kahapon habang naghahanda ang mayor para ihatid sa Maynila ang tatlong anak na nag-aaral doon ng pagbabarilin ng suspek sa harap mismo ng asawa nito.
Ayon sa anak ng biktima na si Suzette, palabas ng bahay ang kanyang ama para kunin ang kanilang kotse at nang nasa gate na nila ay bigla na lamang sumulpot ang suspek at malapitang pinaputukan ang biktima bago tumakas.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong basyo ng bala na kalibre .45 na ginamit sa pamamaslang.
Pinaniniwalaang personal vendetta at hindi anggulong pulitika ang motibo sa krimen.
Si Tolentino na sinasabing kaibigan pa mismo ng biktima ay nasibak sa serbisyo sa kasong grave misconduct at indiscriminate firing may dalawang taon na ang nakararaan.
Hindi naman malinaw kung may kinalaman sa pagkakasibak sa suspek ang nasabing mayor.
Ayon naman kay P/Sr. Insp. Francisco Ebreo, kilala ang suspek na madalas masangkot sa katiwalian kabilang ang pagpatay umano sa isang Cafgu ilang taon na ang nakararaan.
"Binaril pa nga yan (Tolentino) ng kanyang commanding officer ng mag-amok ito sa loob ng kanilang police station noong 1991 o 1992," sabi ni Ebreo.
Nagsagawa na ng police checkpoint ang kapulisan sa kalapit na bayan ng Tagaytay, Nasugbu, Balayan at Calatagan para hadlangang makalayo ang suspek sa naturang lalawigan. (Ulat ni Joy Cantos at Arnell Ozaeta)