Ang pahayag ay ginawa ni Presidential Spokesman Rigoberto Tiglao kasunod ng ulat na may mga miyembro ng House of Representatives na miyembro ng CA ang ipinatawag umano ni Speaker Jose de Venecia para siguruhing maipapasa sa komite ang nominasyon ni Camacho nang maiharap na ito sa kumpirmasyon ng CA sa plenary session sa darating na Miyerkules.
Hindi daw dapat ikasorpresa kung gumawa ng pangungumbinsi ang Speaker sa kanyang mga kasamahang mambabatas para sa mabilis na kumpirmasyon ng Finance secretary dahil si de Venecia ay isang matatag na tagasuporta ng Pangulo.
Nauna rito, sinabi ni Senador John Osmeña, chairman ng Finance committee na nagsisiyasat sa PEACe bonds scam na patay na ang kumpirmasyon ni Camacho sa CA dahil sa pagkakasangkot nito sa kuwestiyonableng bonds.
Kaugnay nito, inilatag ng Code-NGO at Peace and Equity Foundation (Peace Foundation) ang ibat ibang organisasyon na beneficiaries mula sa napagwagian nilang P35 bilyong PEACe bonds.
Sinabi ni Fr. Noel Vasquez, chairman ng Peace Foundation, kabilang sa nakalinyang benepisyaryo ay ang 35,000 pamilya sa Manggahan floodway sa Pasig, Urban Poor Associates na pawang samahang maralita sa Metro Manila, mga organisasyon sa Parola, Baseco, NDC, East Triangle sa UP para naman sa proyektong Peoples Bigasan at Samahang Kababaihan.
Sa Bicol region, mga magsasakang kasapi ng Matalingkas na Agraryong Grupong Sararo Para sa Kauswagan kan Camarines Sur.
Gayundin ang Muslim Lumad Farmers Assn. sa Sultan Kudarat; Purok Himaya Community Assn. sa Negros Occidental; Malabog Integrated Enterprises Devt Cooperative sa Davao; Sikap Roque Homeowners Assn. sa Bulacan; Agusan Resettlement Farmers Federation of Agricultural Cooperatives sa Agusan del Norte. (Ulat nina Lilia Tolentino at Rudy Andal)