Sinabi ng Pangulo na hindi ginaganyak ng kanyang administrasyon ang sistema ng pagpapalawig pa ng serbisyo ng mga opisyal na nasa edad na para magretiro.
Tugon ito ng Pangulo sa katanungan ng mga mamamahayag hinggil sa takdang pag-alis sa serbisyo ni Customs Commissioner Titus Villanueva sa Marso.
"Kung magreretiro na, kailangan nang magretiro. Mahirap para sa akin na mabigyan ng puwesto ang lahat," sabi ng Pangulo.
Si Villanueva ay noon pa sanang Setyembre 2001 nagretiro sa tungkulin sa pagsapit niya sa edad na 65 subalit pinalawig pa ng Pangulo ang kanyang serbisyo hanggang sa makahanap ng mahusay na makakapalit niya sa puwesto.
Mahusay naman anyang nagampanan ni Villanueva ang kanyang puwesto at sakaling mayroong pangangailangan sa kanyang serbisyo sa ibang tungkulin, puwede siyang mahingan ng tulong.
Papalitan si Villanueva ni Finance Undersecretary Antonio Bernardo. (Ulat ni Lilia Tolentino)