Ayon kay Teddy Lopez, chairman ng Social Democratic Caucus, ginagamit nang paraan ng oposisyon ang isyu ng PEACe bonds para makaganti sa civil society sa patuloy na panggigipit sa Code-NGO kaugnay sa kinukuwestiyong Poverty Eradication and Alleviation Certificates (PEACe) bonds.
Inakusahan ni Lopez na hindi tunay na mga makamahirap ang mga kakampi ni Estrada at hindi tunay na kapakanan ng mga maralitang Pilipino ang kanilang pinoproteksiyunan.
Kung matatandaan, ang civil society ang nagbansag na "balato king and queen" kina Senators John Osmeña at Tessie Aquino-Oreta kaugnay sa pagtanggap umano ng dalawa ng tig-P1milyong balato mula sa panalo sa mahjong ni Estrada.
Tinawag ding "dancing queen" si Oreta ng civil society makaraang magsasayaw ang senadora nang manalo ang "no-vote" kaugnay sa hindi pagbubukas ng second envelop na nagbunsod sa People Power.
Samantala, ipinapalabas ni Senator Oreta sa Code-NGO ang listahan nito ng mga proyekto na siya umanong patutunguhan ng kinita nitong P1.47 bilyon na kontrobersiyal na isyu ng PEACe bonds.
Sa susunod na pagdinig ng Senate committee on finance ay kailangang ilabas na ito ng Code-NGO upang matukoy kung ang track record nga nito sa pagpapatupad ng mga poverty alleviation projects ang siyang naging basehan ng BSP sa pagbibigay nito ng go-signal upang isulong ng Code-NGO ang kanilang ideya hinggil sa pag-iisyu ng gobyerno ng PEACe bonds.
Ipatatawag rin ng Senado si dating Prime Minister Cesar Virata na ngayoy corporate vice-chairman ng Rizal Commercial Banking Corp. upang bigyang linaw ang naging papel ng RCBC sa isyu ng PEACe bonds. (Ulat ni Rudy Andal)