Bagaman tumanggi ang source sa NBI na pangalanan ang naturang pulis-QC, sinasabing ito umano ang may direktang kinalaman sa pagpatay sa aktres at lumalabas na ang motibo sa pagpaslang ay tungkol pa rin sa kayamanan ng huli.
Ayon sa source na tumangging magpakilala, ang nasabing pulis at mga kasamahan nito ang inupahan ng "mastermind" sa krimen. Ito ang naatasang kumuha kay Nida at nagpahirap sa aktres habang pilit siyang pinapapirma sa isang dokumento hinggil sa kayamanan.
Magugunita na base sa mga iniwang testamento ng aktres, hindi nito binigyan ng kahit kaunting parte ng kanyang ari-arian ang kanyang asawang si Rod Lauren Strunk na hihinalang isang matinding dahilan ng hindi nila pagkakaintindihang mag-asawa.
Idiniin ng source na si Strunk pa rin ang may pinakamalapit na taong may motibo upang gawin ang nasabing krimen dahil na rin sa walang mamanahin ito sa may P55 milyong ari-arian ng aktres.
Bagaman naghayag kamakailan ang NBI na malulutas nila ang Nida murder bago ang buwan ng Pebrero, naniniwala naman ang source na mahihirapan ang NBI na maresolba ito dahil sa pagkakamali ng PNP-Task Force Marsha sa pangangalap ng ebidensiya.
Tahasan ring inihayag ng source na maaaring patay na si Mike Martinez dahil marami umanong sasabit kapag binuhay pa ito.
Sinabi pa ng source na maraming nalalaman ang kaibigang artista ni Nida na si Gina Pareño pero ayaw nang magsalita sa takot na matulad kay Martinez na sinasabing boyfriend umano ni Pareño.
Samantala, namatay na ang ina ni Strunk na si Helen limang oras bago lumapag ang eroplanong sinasakyan ng una. Lunes ng gabi ng umalis si Strunk patungong US para makapiling ang comatose na ina. (Ulat ni Ellen Fernando)