Nabatid sa isang opisyal ng SPD na tumangging magpabanggit ng pangalan, kasalukuyan nang sumasailalim sa interogasyon ang suspek na nadakip kamakalawa ng gabi.
Napag-alaman na ilang testigo na umano ang nagtungo sa SPD headquarters upang ituro at tiyakin ng mga ito kung ang taong hawak ngayon ng mga pulis ay ang siyang bumaril sa YOU spokesperson.
Samantala, nakasentro ngayon ang imbestigasyon ng pulisya sa posibleng kinalaman ni Supt. Diosdado Valeroso, isa sa co-founder ng YOU matapos na mabatid na ito ang huling pinadalhan ng text message ng biktima ilang oras bago ito pinaslang.
Ayon sa Camp Crame sources, dakong alas-4 ng hapon noong Disyembre 31 ay nagpadala ng text message si Cervantes kay Valeroso na nagsasaad ng "Hindi tayo magkaintindihan dito sa text. magkita na lang tayo."
Ang nasabing message umano ay na-retrieve ng pulisya mula sa 9110 cellphone ni Cervantes at naka-save umano ito.
Kaugnay nito, isang guwardiya na saksi sa krimen ang umanoy patagong ipinuslit ng SPD papunta sa Office of the Chief PNP para panoorin ang isang video tape noong Christmas party ng Council of Philippine Affairs (COPA) noong Dis. 18 sa Ayala, Alabang.
Sinasabing nais lamang kumpirmahin ng pulisya kung makikita ng saksi sa video tape ang anyo ng dalawang gunmen.
Ito ang ipinahayag ni Perez makaraang ibunyag ni Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) Chairman Dante Jimenez na may anggulo tungkol sa mga anomalya sa loob ng LTO na posibleng dahilan ng pagpaslang sa YOU spokesman.
Ang nabanggit na anomalya sa LTO ay patungkol umano sa mga iregularidad sa bidding.
Magugunita na si Cervantes ang itinuturo ring nagbunyag ng planong kudeta laban sa pamahalaang Arroyo matapos ang isinagawang pagpupulong ng mga miyembro ng RAM sa Puerto Azul sa Cavite.
Ito rin ang dahilan para isama ni Perez ang limang na RAM officials sa pagsisiyasat na sina ret. Capt. Proseso Maligalig, Supt. Rafael Cardeno, Col. Romeo Lim, Lt. Sgt. Donn Anthony Miraflor at Supt. Diosdado Valeroso.
Inihayag naman ni Abenina na handa siyang ipasalang ang sarili para imbestigahan kaugnay ng Cervantes slay.
Matatandaan na si Cervantes ay binaril ng nag-iisang gunman habang ang isa ay nagsilbing lookout habang nakaupo sa harapan ng isang drugstore malapit sa 7-11 convenience store sa panulukan ng Times St. at Alabang-Zapote Road sa Las Piñas City. (Ulat nina Lordeth Bonilla,Joy Cantos,Grace Amargo at Angie dela Cruz)