Skyway bantang pasabugin

Matapos umanong pasalubungan sa bagong taon ng Philippine National Construction Corporation (PNCC) ang mga motorista na dumaraan sa North, South Luzon Expressway at Skyway nang pagtataas sa toll fee, nagbanta ang hindi pa matukoy na grupo na pasasabugin ang kahabaan ng Skyway bilang pagpapakita ng kanilang mariing pagtutol.

Ayon kay PNCC chairman Atty. Luis Sison, mahigpit na seguridad ang ipinatutupad ngayon sa South expressway upang hadlangan ang anumang tangkang karahasan na posibleng ihasik ng di pa matukoy na grupo makaraang makatanggap sila ng hindi pa kumpirmadong mga report na may nagbabalak na magsagawa ng pambobomba sa Skyway bunsod na rin ng naganap na toll fee hike.

Takda ring maglunsad ng isang malaking picket rally ang malaking grupo ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) sa toll booths ng SLEX.

Ayon kay PISTON president Medardo Roda, nabigla umano ang mga motorista sa naturang desisyon ng PNCC at hindi makatarungan dahil sa wala man lamang ginawang konsultasyon bago ito ipinatupad.

Masyadong malaki ang epekto nito sa lahat ng motorista na dumaraan sa SLEX partikular na sa mga tsuper ng jeep na makakaltasan ng malaki sa kakarampot nilang kinikita.

Naghugas-kamay naman si Sison sa naturang pagtataas at sinabing ipinalabas naman umano nila sa pahayagan ang balaking pagtataas at nagpaskil pa sa kanilang mga toll gate.

Wala rin umano silang kapangyarihan na pigilan ito dahil sumusunod lamang sila sa kautusan ng Toll Fee Regulatory Board na siyang may kapangyarihan sa pagre-regulate ng toll fees.

Dahil dito ay umapela si Sison na huwag gumawa ng anumang uri ng karahasan dahil maraming inosenteng motorista at commuters ang madadamay at higit anyang maaapektuhan ay ang ekonomiya na magbibigay ng malaking takot sa mga investor na nais maglagak ng negosyo sa bansa.

"I would like to appeal to whoever is thinking of doing something like this to refrain from performing acts of violence. Hindi maganda yan, hindi lang sa ating mga mamamayang masasaktan kundi pati sa mga investors natin who are thinking of investing in the country. They will not look upon the Philippines as a climate that they will liket to invest in, na kung mayroong tayong protesta ay magbobomba tayo agad," pahayag ni Sison.

Ayon kay Sison, mayroong proseso para sa mga reklamo o pagtutol sa pagtaas sa singil kaya huwag anyang idaan sa karahasan ang anumang protesta laban sa toll pay increase.

Samantala, hiniling kahapon ni Senator Tessie Aquino-Oreta sa pamahalaang Arroyo na ikunsidera nito ang hakbang ng Toll Regulatory Board sa pagtataas ng singil sa North at Luzon Expressway at Skyway system.

Sinabi ni Sen. Oreta na hindi pa man nakakaahon sa pagtaas ng bilihin ay naririto na naman ang panibagong pagtataas sa singil sa toll sa North at Luzon expressway.

Aniya, ang panibagong pagtataas na ito ay mangangahulugan ng panibagong pagtaas din sa presyo ng bilihin partikular ang mga produktong nagmumula sa North at South Luzon patungo sa kamaynilaan. (Ulat nina Lordeth Bonilla,Danilo Garcia at Rudy Andal)

Show comments