Task Force Marsha sinisi ng NBI

Ang Task Force Marsha na binuo ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) upang siyang humawak sa imbestigasyon sa pagkamatay ng beteranang aktres na si Nida Blanca ang piniputukan ngayon ng sisi ng National Bureau of Investigation kung bakit hindi pa rin malutas ang nasabing krimen.

Sa hinaing ng isang ahente ng NBI na tumangging magpabanggit ng pangalan na nahihirapan umano nilang lutasin ang nasabing kaso dahil na rin sa mga pagkukulang ng Task Force Marsha na siyang humawak ng kaso.

Aniya maraming aspeto sa imbestigasyon ang nakalimutan ng nasabing grupo pati na rin ang mahahalagang ebidensya na maaari sanang makatulong sa ikabibilis ng paglutas sa krimen.

Isa sa mga kinukuwestyon ng NBI ay ang kawalan ng ‘re-enactment’ sa pinangyarihan ng krimen noong mahuli ng Task Force Marsha ang self-confessed killer na si Philip "Jun" Medel kasunod ng pagbaligtad nito sa testimonya.

Niliwanag ng source na kung ang isang kriminal ay umaming siyang may kagagawan ng krimen ay marapat laman na magsagawa ng isang re-enactment.

Samantala, sinabi kahapon ni Atty. Edmund Arugay, Director ng NBI-NCR na bagaman kasagsagan ng pagdiriwang ng Pasko kasunod ay ang Bagong Taon, patuloy pa rin umano ang kanilang trabaho at pangangalap ng impormasyon na makakapagbigay ng lead sa Nida murder case para sa agarang ikalulutas nito. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments