Pangakong C-130 ni Bush dumating na

Dumating na kahapon ang isang US C-130 Hercules plane na ipinangakong tulong ng gobyernong Amerika kay Pangulong Arroyo bilang bahagi ng Foreign Military Sales Agreement sa pagitan ng dalawang bansa.

Dakong alas-12 ng tanghali ng lumapag ang naturang military aircraft sa Villamor Air Base sa Pasay City kung saan sa ginanap na turnover ceremonies ay pormal na tinanggap ni Phil. Air Force Chief, Lt. Gen. Benjamin Defensor Jr. mula kay US Col. Steven Moores, hepe ng Joint US Military Advisory Group (JUSMAG)-Philippines.

Sinabi ni Defensor na ang karagdagang C-130 ay malaking tulong upang higit na mapag-ibayo ng Air Force ang kanilang flying capability partikular na umano sa paghahatid ng military supplies, pagdadala ng relief goods sa panahon ng kalamidad at paglilikas sa isinasagawang rescue operations.

Kabilang pa sa military package na nakatakdang dumating sa bansa ay Huey combat helicopters, patrol crafts para sa Phil. Navy, M-16 rifles at mga bala. (Ulat ni Butch Quejada)

Show comments