Mula sa 44-pahinang desisyon ng SC, effective December 1, 2001 ay inaalis kay Garchitorena ang kapangyarihan, functions at duties bilang presiding justice ng Sandiganbayan at paghawak sa mga kasong nakabinbin sa kanyang sala bilang isang Justice at Chairman ng First Division hanggang sa madesisyunan nito ang lahat ng mga kaso kung saan binigyan siya ng anim na buwan. Pinagmumulta rin ng P20,000 si Garchitorena.
Sa report ng SC, may 195 kasong kriminal at tatlong kasong sibil ang nakabinbin mula pa noong 1991 sa First Division ni Garchitorena na inuupuan lamang ng mga mahistrado.
Bilang parusa ay inatasan ng Korte si Garchitorena na tutukan nito ang mga kaso na naka-pending sa kanyang sala sa pamamagitan ng decision writing.
Binigyang-diin ng SC na hindi maaaring maitalaga ang mga kasong ito sa ibang justices at ang mga kasong walang gagawa para sa pagdedesisyon ay sa kanya pa rin babagsak.
Itinalaga naman ng SC si Sandiganbayan Associate Justice Minita Chico-Nazario na siyang pinaka-senior justice, para pumalit pansamantala sa puwesto ni Garchitorena bilang presiding justice.
Inatasan din ng SC sina Garchitorena at mga Mahistrado ng Sandiganbayan na resolbahin at desisyunan ang mga kasong matagal nang nakabinbin sa loob ng tatlong buwan mula nang ito ay isumite, at desisyunan ang mga motion for reconsideration at petition for review sa loob ng 30-araw mula nang isumite.
Handa naman si Garchitorena na sundin ang desisyon ng SC pero magsusumite siya ng motion for reconsideration o motion for clarification upang ihayag ang magiging implikasyon nito sa mga nakabinbing kaso sa First Division na kanyang pinamumunuan. (Ulat nina Grace Amargo at Malou Rongalerios-Escudero)