Ayon sa mapagkakatiwalaang sources sa Office of the Regional Governor sa siyudad na ito, may plano umano ang MNLF followers ni Nur na isabotahe ang nakatakdang pagbisita sana ng Pangulo sa Mindanao noong Nobyembre 23-24, subalit napigilan matapos na i-tip ng mga empleyado sa loob ng ARMM compound ang kahina-hinalang kilos ng grupo ng mga suspek.
Ang mga suspek ay nauna nang nakitang nakikipag-usap sa pamangkin ni Misuari na si Zenzir Misuari, sa executive building ng ARMM kung saan pinag-aaralan ang floor plan ng isang local hotel na tutuluyan sana ng Pangulo para sa kanyang dalawang araw na pagbisita sa Cotabato City at Maguindano.
Agad namang rumesponde ang mga operatiba ng pulisya at militar at hinalughog ang inuupahang bahay ni Zenzir noong Martes ng hapon. Nabigo namang maabutan si Zenzir dahil nakatakas ito dalawang oras bago ang raid. Huli itong namataan sakay ng isang bangkang de-motor patungong Pagadian.
Nakuha sa raid ang ibat ibang sniping rifles kabilang ang AK 47s, handguns, high-velocity armour-piercing ammunition para sa long-range targets, at mga paraphernalia sa paggawa ng bomba at live rockets.
Kinumpirma rin ng ORG sources ang pagkakadiskubre ng plano ng mga kaalyado ni Misuari na palibutan ng mga bomba ang loob ng 32-ektaryang government center ng ARMM kung saan magsasagawa ng canvassing of votes ang mga poll personnel ng mga resulta ng katatapos na ARMM polls.
Ayon pa sa sources, ang grupo ay binubuo ng mga bodyguard ni Misuari at binabayaran ng ORG. (Ulat ni John Unson)