Sa isang press conference kahapon, sinabi ng Pangulo na nakikipag-koordinasyon na sila sa Malaysian authorities sa search at arrest operations laban kay Misuari.
Nangako ang dalawang lider ng bansa na tutulong para mahuli sakalit sa kanilang bansa magtago si Misuari.
Ayon sa impormasyon, isang Col. Akhmad Omar ng Malaysia police ang itinalaga ng Malaysia upang dumakip kay Misuari.
Kasabay nito ay kinansela na kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang diplomatic at regular passport ni Misuari na may tunay na pangalan na Hadji Nur Pining Misuari at ipinanganak noong Marso 30, 1941 sa Sulu.
Ayon kay DFA Undersecretary for administration and consular affairs Franklin Ebdalin, ang pagkansela ay para limitahan ang kanyang galaw dahil na rin sa warant of arrest nito sa kasong rebellion at pagiging isang "wanted" sa batas.
Kasalukuyan namang inaalam ngayon ng DFA kung may Saudi passport si Misuari na maaaring gamitin nito sa pagpasok sa naturang bansa.
Nabatid na malapit si Misuari sa mga opisyal ng pamahalaan ng Saudi Arabia bukod pa sa doon nag-aaral sa isang international school ang dalawa nitong anak na lalaki sa kanyang pangalawang asawa. (Ulat nina Lilia Tolentino at Rose Tamayo)