'I was tortured' - Medel

Bumaligtad kahapon ang self-confessed killer na si Philip Medel, Jr. at sabihing walang kinalaman sa brutal na pagpaslang sa aktres na si Nida Blanca ang asawa nitong si Rod Strunk at siya’t tinortyur umano para aminin ang krimen.

Sa ginanap na preliminary investigation sa Department of Justice (DoJ) kahapon ng umaga, bigla na lamang nagwala sa harap ng media si Medel at nagsisigaw na siya ay pinahirapan at dinukot at siya’y inosente at wala din kinalaman si Strunk sa pagkamatay ni Blanca.

"I don’t know Mr. Strunk! Look at may hands! I was abducted! I was tortured, I cannot bear this anymore! You can kill me now! My only sin is that I did not enjoy the pain of electricity! I am a victim of political struggle! My apologies to Mr. Strunk."


Hawak ang rosaryo na nakataas ang mga kamay at ipinapakita sa media ang kanyang mga pasa at sugat at marka ng mga posas sa dalawang kamay.

Pinunit din ng 54-anyos na dating security guard sa isang mining firm sa Angola, ang 10-page handwritten confession para ipakita na hindi niya sinaksak ang aktres ng kitchen knife. "I was captured! I did not surrender! I was blindfolded for three days!" sabi ni Medel.

Ayon pa kay Medel, isinailalim siya sa water therapy para umano aminin na siya ang pumaslang kay Blanca.

Ngunit sa kabila nito’y binigyang-diin pa rin ng abogado ni Medel na si Atty. Roberto Umandan na hindi binabaligtad ng kanyang kliyente ang unang ipinahayag nito noong sumuko sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group.

Sinabi ni Umandan na depressed lamang si Medel kaya umakto ito ng pagwawala sa DoJ.

Samantala, ipinag-utos naman ni State Prosecutor Emmanuel Velasco na ilipat si Medel mula sa detention cell ng PNP sa National Bureau of Investigation (NBI) alinsunod sa kahilingan ni Medel dahil tinotorture umano siya.

Matapos naman baligtarin ni Medel ang kanyang statement ay pinalabas ni Atty. Alma Mallonga ang kanyang kliyente na si Strunk na nasa loob lamang umano ng sasakyan nito.

Sinabi ni Mallonga na binigyan lamang niya ng proteksiyon si Strunk laban kay Medel dahil sa pangambang ituro ito ni Medel na siyang utak sa pagpatay sa nabanggit na aktres.

Nang humarap si Strunk sa media, sinabi nito na patuloy siyang umaasa na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang asawang si Nida.

"Let the investigation go on. Let me still remain a suspect till they are satisfied I’m not. I’m still wondering this could have happened,"
ani Strunk.

Magsusumite ng manifestation sa DoJ si Mallonga para pormal na maibasura ang reklamo laban kay Strunk dahil wala na umanong tetestigo laban dito.

Ngunit sinabi ni Prosecutor Velasco na patuloy pa ring pag-aaralan ng prosecution kung maaari nang ibasura ang reklamo laban kay Medel.

Nangako naman si Supt. Erickson Velasquez, abogado ng PNP, na sasampahan ng kaukulang kaso ang mga humuli kay Medel kung mayroong makikitang matibay na ebidensiya laban sa mga ito.
‘Medel di dinukot’
Hindi umano dinukot si Philip Medel gaya ng isinigaw nito kahapon sa DoJ.

Ayon kay Mrs. Norma Cideco, may-ari ng bahay na inuupahan ni Medel sa No.9-3 Cideco compound, barangay West Kamias, Quezon City, nang puntahan ng mga tauhan ng PNP-CIDG sa kanyang kuwarto si Medel ay kusang loob itong sumama at walang puwersahan at naganap na pagdukot.

Pinosasan ng mga awtoridad ang dalawang kamay ni Medel at bago pa umalis ang mga ito ay nagkaroon muna ng tila close-door kung saan may pinapirmahang papel ang mga pulis kay Medel.

"Hindi naman po ganon ang nangyari, marami din naman ang nakakita dito at saka may koordinasyon ang mga pulis sa mga tauhan ng Cenral police district at barangay hall," pahayag ni Cideco.
Mga opisyal, tauhan ng TF Marsha sisiyasatin
Isasailalim sa masusing imbestigasyon ng National Police Commission ang lahat ng tauhan at opisyal ng PNP-Task Force Marsha makaraang bumaligtad si Philip Medel at ibunyag na tinorture umano siya para aminin lamang ang pagpatay sa aktres na si Nida Blanca at iturong mastermind ang asawang si Rod Strunk.

Isang komite ang binuo kahapon ng Napolcom at 10 araw lamang ang ibinigay na deadline sa naturang three-man panel para isumite ang resulta ng imbestigasyon nito hinggil sa alegasyon ni Medel laban sa PNP-CIDG. (Ulat nina Joy Cantos,Grace Amargo,Jhay Mejias, Lordeth Bonilla at Ellen Fernando)

Show comments