Sinabi ni Oreta na higit pa ang dapat ibigay ng pamahalaan sa OFWs dahil palaging nakahilig ang ating ekonomiya sa kanilang paghihirap sa panahon na kritikal ang kabuhayan ng bansa.
Katanggap-tanggap man ang proyektong grand welcome sa dumarating na OFWs sa Kapaskuhan, ngunit kailangang tiyakin ng gobyerno na magkaroon ng programang magbibigay ng magandang benepisyo sa Filipino migrant workers, partikular ang ating kababayan na nahaharap sa maraming problema sa abroad, giit ni Oreta.
Tinukoy ng mambabatas ang namimintong pagbabawas ng Filipino domestic helper sa Hong Kong at Taiwan, kalagayan ng mga pinagsasamantalahang nurse sa London at Ireland at 140,000 marino na mawawalan ng hanapbuhay sa susunod na taon na siyang dapat tugunan kaagad ng administrasyon.
Aniya, ilan lamang sa kongkretong pagkilos na inaasahan ng OFWs sa gobyerno ang plano ni Vice President and Foreign Affairs Secretary Teofisto Guingona Jr., na maglunsad ng distant education program at huling direktiba ng Education Department na tanggalin sa requirements ng seafarers ang school credentials mula sa naturang ahensiya. (Ulat ni Rudy Andal)