7 hostages ng Abu pinalaya

Pitong hostages ang pinalaya ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) na kinabibilangan ng tatlong babae at apat na lalaki at narekober ng mga operatiba ng militar sa isinagawang matagumpay na operasyon sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigan ng Basilan.

Ayon kay AFP Southcom Chief, Lt. Gen. Roy Cimatu, kinilala ang tatlong babaeng bihag na sina Angie Montealegre, Marie Fe Rosadeno, pawang kinidnap sa Dos Palmas Beach Resort sa Puerto Princesa, Palawan noong Mayo 27 at Shiela Tabunyag, ang nurse na dinukot sa sinalakay na Dr. Jose Torres Hospital sa Lantawan, Basilan noong Hunyo 2.

Si Rosadeno ang sinasabing girlfriend nang pinugutan ng ulong si American hostage Guillermo Sobero.

Sina Rosadeno at Montealegre ay narekober ng militar kamakalawa ng gabi sa isang lugar sa Basilan, habang si Tabunyag at apat pang lalaking manggagawa ng Golden Harvest Farm na nilusob ng Sayyaf noong Hunyo 11 sa Lantawan ay nasagip ng mga elemento ng 18th Infantry Batallion ng Phil. Army.

Ang mga obrero na kabilang sa orihinal na 15 hinostage ay sina Noel Abellon, Fernando Romeo, Roel Abellon, Abdulpatta Mohammad at Marlon Garayon. Anga mga ito ay nasagip sa isang checkpoint sa bayan ng Maluso, Basilan.

Sa kasalukuyan, tatlo na lamang ang nalalabing bihag ng Abu Sayyaf na kinabibilangan ng mag-asawang American missionary na sina Martin at Gracia Burnham na dinukot sa Dos Palmas at ang nurse na si Deborah Yap ng Dr. Jose Torres Hospital.

Tiwala si Cimatu na tuluyan na nilang mababawi sa mga susunod na mga araw ang natitira pang tatlong bihag. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments