Sa isang video-taped statement, nangako kahapon si international terrorist Osama bin Laden na hindi kailanman matitikman ng America at mga mamamayan nito ang katahimikan hanggat hindi rin natatahimik ang mga Palestino kasabay ng pahayag na maglulunsad ng mas matindi pang terorismo laban sa Estados Unidos bilang sagot sa pambomba nito sa Afghanistan kahapon.
"America has been filled with horror from north to south and east to west, and thanks be to God what America is tasting now is only a copy of what we have tasted," wika ni bin Laden.
"God has blessed a group of vanguard Muslims to destroy America... and may God bless them and allot them a place in heaven," wika pa nito. "I swear to god that America will not live in peace before peace reigns in Palestine."
Tinuligsa rin ni bin Laden ang US dahil sa pagtulong nito sa bansang Israel sa pakikipagdigma laban sa Palestinian.
Kahapon, (Linggo sa US) ay nagpaulan ng mga missiles at bomba ang magkasanib na puwersa ng US at Britain sa Kabul bilang unang salvo ng kanilang pakikigiyera laban sa terorismo.
Niyanig ng mga pagsabog ang Kabul kung saan tinarget ang air defenses, airfields, communications at radar facilities ng Taliban gayundin ang mga kampo na ginamit ni bin Laden at ng kanyang Al Qaeda network.
Nakaligtas sa nasabing pag-atake si bin Laden at protektor nitong si Taliban supreme leader Mullah Mohammad Omar.
Samantala, tinatayang nasa 25 katao ang namatay sa naturang military strikes sa Afghan at inaasahang tataas pa ang bilang.
Nagbabala si US President George Bush na ang military strikes ay umpisa pa lamang.
"The battle is now joined on many fronts. We will not waver, we will not falter, and we will not fail. Peace and freedom will prevail," pahayag ni Bush matapos ang pag-atake.
Sinabi ni US Defense Secretary Donald Rumsfeld na nakibahagi sa pagsalakay ang land at sea-based aircraft, surface ships at submarines na may layuning pabagsakin ang anti-aircraft weapons at planes na kaaway ng US forces.
Pinamunuan ng mahigit 50 Tomahawak cruise missiles ang pag-atake na pinakawalan mula sa apat na US surface ships, isang US at isang British submarine.
Sinundan ito ng mga strikes ng may 15 land-based US B-1, B-52, B-2 stealth bombers, at 25 F-14 Tomcat at F/A-18 fighters.
Ayon sa Afghan opposition forces, kabilang sa tinarget sa Kabul ang presidential palace, national radio-TV building, airport at anti-aircraft installations.
Kabilang din sa tinira ang western city ng Farah at northern cities ng Mazar-i-Sharif at Kunduz. (Ulat ni Rowena del Prado)